PARA kay Senador Mark Villar, lubhang nakababahala ang nakaambang krisis sa kalusugan lalo pa’t patuloy ang pagdami ng mga batang tinamaan ng chronic kidney disease sa Pilipinas.
Bilang tugon, inihain ni Villar ng Senate Resolution 313 para sa agarang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang pagkukulang ng estado sa pagdami ng Chronic Kidney Disease (CKD).
Partikular na tinukoy ng senador ang aniya’y nakakaalarmang edad ng batang kumpirmadong dumaranas ng naturang karamdaman.
“Ayon sa Department of Health, pabata nang pabata ang tinatamaan ng CKD sa bansa—may reports din po tayong natatanggap na nine years old pa lang ay may malubhang sakit na agad sa bato,” wika ni Villar.
Bagamat may mga programa ang Department of Health (DOH) para tugunan ang CKD, hindi na angkop rebisahin ng kagawaran ang mga umiiral na polisiya sa usapin ng kalusugan, partikular sa pagpasok ng tinatawag na “ultra-processed foods” gayundin sa nakasanayang diyeta.
“Naghain po tayo ng resolution na ito dahil naniniwala tayo na sa panahon ngayon, hindi na lang dapat basta reactive ang ating mga hakbang laban sa CKD,” Villar added.
Mungkahi ni Villar, mas pinalawig na kaalaman at edukasyon sa kampanya ng DOH sa “universal healthcare.”
Dapat din aniyang paglaanan ng pondo ang gamutan sa mga pasyenteng kabataang positibo sa CKD.
“Gusto natin na mas magkaroon ang gobyerno ng napapanahon na solusyon sa CKD. We would like to be more proactive in preventing and detecting the disease while fully supporting those who are undergoing treatments.” (CESAR MORALES)
