LIMANG buwan matapos ang pamamaslang sa dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo, isang mandato de arresto ang inilabas ng Manila City Regional Trial Court laban kay expelled Congressman Arnolfo Teves Jr.
Bukod kay Teves, kabilang rin sa inisyuhan ng warrant of arrest sina Angelo Palagtiw, Capt. Lloyd Cruz at isang alyas Gie-Anne na kapatid ni Palagtiw.
Batay sa warrant of arrest na pirmado ni Manila RTC Branch 51 Judge Marian Pacita Zuraek, inatasan ng husgado ang pulisya dakpin ang nagtatagong kongresista para sa mga kasong murder at frustrated murder.
Inatasan rin ng korte ang Manila City Jail na ilipat sa Metro Manila District Jail sa Camp Bagong Diwa ng isa pang suspek na si Nigel Electona.
Si Teves ang itinuturong utak sa likod ng pagpatay kay Degamo at siyam na iba pa noong Marso 4 sa bayan ng Pamplona sa lalawigan ng Negros Oriental – bukod pa sa mahabang talaan ng pamamaslang na naganap noong 2019.