MATAPOS maglabas ng direktibang hudyat sa pagtugis sa mga salarin sa likod ng pagpanaw ng isang criminology student na isinailalim sa hazing, dalawa pang suspek ang sumuko sa Quezon City Police District (QCPD).
Sa kalatas ng QCPD, kinilala ang mga pinakahuling sumukong suspek na sina John Arvin Kaylie Regualos Diocena at John Xavier Clidoro Arcosa na kapwa miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity group na nakabase sa Philippine College of Criminology.
Una nang lumantad sa pulisya sina Justin Artates, Kyle Michael de Castro, Mark Leo Andales at ang Tau Gamma Phi master initiator na si Lexer Angelo Manapies na pawang nakibahagi sa isinagawang hazing na ikinamatay ng 4th year BS Criminology student na si Ahldryn Leary Bravante.
Ayon kay QCPD chief Brig. Gen. Redrico Maranan, nakita sa pagsusuri sa labi ni Bravante ang mga tinamong sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan at mga pasa sa likod sa hita – mga aniya’y patunay sa matinding pahirap na dinanas ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, ginanap ang hazing sa isang abandonadong gusali sa kahabaan ng Kalye Calamba sa Barangay Sto. Domingo sa Quezon City nito lamang nakaraang Lunes.
Pagtatapat nina Artates at De Castro, isinugod pa nila sa Chinese General Hospital ang biktima matapos mawalan ng malay, subalit binawian na rin ng buhay bago pa man nakarating sa pagamutan kung saan sila dinakip ng pulisya batay sa isinagawang interogasyon ng Manila Police District (MPD).
Sinampahan ng ng kasong paglabag ng Anti-Hazing Law ang mga suspek.