MAPANIRA at mapanlinlang. Ganito ang paglalarawan ni San Juan City chief of police Col. Deodennis Marmol sa paglaganap ng “fake news” hinggil sa sinasabing pananaksak ng isang holdaper sa isang babaeng customer sa isang kainan sa nasasakupang lungsod.
Partikular na tinukoy ng hepe ng lokal ng pulisya ang umano’y insidente ng panghoholdap Lugang Cafe kung saan tinarakan umano ng patalim ang babaeng biktima matapos tumanggi ibigay ang gamit sa suspek.
Ayon kay Col. Marmol, mismong restaurant ang naglabas ng pahayag para pabulaanan ang insidente.
Ayon naman kay Col. Randulf Tuaño na tumatayong hepe ng Philippine National Police- Public Information Office, tinutugis na ng tracker team ng “Joint Anti-Fake News Action Committee (JAFNAC) ang suspek na responsable sa fake news. (EDWIN MORENO)
