
SIMULA bukas (Agosto 20), tatawagin nang FPJ (Fernando Poe Jr.) Station ang LRT-1 Roosevelt Station sa Quezon City, batay sa pinagtibay na batas noong nakaraang administrasyon.
Dumalo sa simpleng seremonya ang anak ni FPJ na si Sen. Grace Poe, kasama sina dating Senate President Tito Sotto III at Senador Lito Lapid sa pagpapalit ng pangalan ng istasyon.
Binuksan din ang tabing sa bagong marker na naglalaman ng pangalan ng yumaong National Artist Fernando Poe Jr. na magdiriwang ng kanyang ika-84 kaarawan bukas, Agosto 20.
“I hope people remember FPJ whenever they board this train. Public service has always been in FPJ’s heart. Giving commuters a safe and comfortable ride is a way of keeping his legacy alive,” ayon kay Poe.
“Magandang regalo kay FPJ at sa kanyang mga taga-suporta ang pagkakaroon ng isang FPJ Station,” dagdag ng senadora.
Ang pagpapalit ng pangalan ay isinakatuparan sa bisa ng Republic Act 11608 na inakda ni Lapid at sinusugan ni Sotto.
Kabilang din sa mga dumalo sa naturang pagtitipon sina Transportation Secretary Jaime Bautista, Light Rail Management Corporation president at CEO Juan Alfonso at iba ang opisyal ng kompanya.
Ipinarada din sa kaganapan ang pop-up exhibit ni FPJ, na ganap na napasama sa hanay ng mga national artist noong 2012.
Higit na kilala ang yumaong aktor bilang Hari ng Pelikulang Pilipino na gumanap bilang bida sa mahigit 300 pelikula sa mahigit 46 taong acting career.
“The law had given my father’s works and legacy a sense of place in the nation’s history” pagtatapos ni Poe.