APAT katao ang malubhang nasugatan kabilang ang dalawang menor de edad at isang mamamahayag makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakilalang kalalakihan sa tapat ng tinutuluyang bahay hindi kalayuan sa himpilan ng Masambong Police Station 2 ng QCPD .
Kinilala ang mga biktimang sina Rene Joshua Abiad alyas Josh — isang mamamahayag, kapatid na si Renato Abiad at mga anak nitong sina Caiden, 8-anyos at 4 na taong gulang na si Reskaire — isang PWD.
Ayon sa mga kamag anak ng mga biktima, naganap ang insidente bandang alas 3:30 kahapon ng hapon sa tapat ng bahay ni Abiad sa Corome St. Masambong, San Jose Del Monte QC.
Kararating lang umano ng mga biktima sakay ng isang kulay silver grey na Ford na may plakang NDR 5149 galing sa Timog kung saan sila nananghalian.
Pagparada ng kanilang sasakyan, bigla na lang diumano silang pinaulanan ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril .
Agad ma tumakas ang mga salarin.
Ayon sa pamilya, si Joshua ay may dalawang tama ng baril sa braso, habang hagip sa ulo at leeg ang kapatid na si Renato. Sapul din ng punglo sa tagiliran ang 8-anyos na bata at maging ang 4-taong gulang na tinamaan ng bala sa bungo.
