
SA halip na simpleng multa kaugnay ng paglabag sa ordinansa, libreng bakasyon sa loob ng masikip na selda ang kinahantungan ng dalawang lalaking nabistong may dalang droga, sa lungsod ng Caloocan kamakailan.
Arestado ng Caloocan PNP sa pamumuno ni Col. Ruben Lacuesta ang dalawang suspek na kinilalang sina Mark Christopher Lao, 22-anyos at Ulysses Obor, 37 taong gulang na kapwa residente mula sa Dagat-Dagatan sa naturang lungsod.
Batay sa ulat ni Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., tinangka pang tumakas ng mga suspek matapos sitahin ng mga pulis kaugnay ng pag-iinuman sa panulukan ng Sabalo at Kapak Liit sa Barangay 12, Caloocan City.
Ayon kay Caloocan PNP Substation-4 chief Major Tessie Llava, nasa gitna ng Opan Galugad ang kanyang mga operatiba ng napansin ang inuman sa pampublikong lansangan. Nang lapitan para isyuhan ng ordinance violation receipt (OVR), kumaripas ng takbo sina Lao at Obor.
Agad na nadakip ng mga tumugis na pulis ang mga suspek na nakuhanan ng 6.5 gramo ng drogang may katumbas na halagang P44,200. Kumpiskado rin sa pag-iingat ng suspek ang isang pulang Toyota Innova kung saan di umano nakuha ang droga.