SA kumpas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC), pwede nang bumiyahe sa ibang bansa ang kontrobersyal na exorcist priest na di sinampahan ng kaso ng isang dating mahistrado bunsod ng panlalait di umano sa mga deboto.
Para kay Quezon City RTC Branch 81 Judge Madonna Echiverri, bigong ang prosekusyon patunayan ang alegasyon laban kay Fr. Winston Cabading higit na kilala sa matalas sa komento sa Marian apparition sa Lipa, Batangas noong taong 1948.
Binigyan rin ng husgado ang mga tagausig ng 30 araw para amyendahan ang inihaing impormasyon sa kasong inihain laban sa paring Dominikano pra hindi tuluyang ibasura ng korte ang asunto.
Taong 2020 nang sampahan ng kaso ni dating Sandiganbayan Justice Harriet Demetriou si Cabading na di umano’y nag wika sa isang online show sa Vatican ng mga katagang ‘hindi mula sa Diyos ang mga talulot ng bulaklak sa aparisyon’ – bukod pa sa paratang na hindi tunay na Marian devotees ang mga deboto ng Our Lady of Lipa.
Si Cabading ay naaresto sa Nasugbu, Batangas noong Mayo at nakalaya matapos maglagak ng P18,000 bilang piyansa.
Naghain naman ng motion to quash ang pari upang mapawalang-bisa ang kasong kriminal, kasabay ng pagtanggi sa ‘binitawang pahayag’ sa lugar ng mga deboto o sa pagdiriwang ng anumang sagradong gawain, batay sa Art. 133 ng Revised Penal Code.
“This court finds nothing in the quoted statements made by the accused to be offensive nor punishable by law. No object of veneration was damaged or destroyed by the accused in a religious ceremony nor was there any religious ceremony to speak of,” ayon sa korte.
Sa parehong desisyon, pinagbigyan din ng korte ang mosyon ni Cabading para sa permission to travel, pero inutusang magbayad ng travel bond ng dalawang beses sa halaga ng kanyang piyansa.
Ang exorcist priest, na isa ring theologian, ay dadalo sa International Conference of the Association of Exorcists sa Rome, Italy, sa Setyembre 25 hanggang 30, 2023.
