INATASAN ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ang Bureau of Fire Protection (BFP) na masusing imbestigahan ang pagbagsak ng mga poste ng kuryente sa Binondo, Maynila.
Sa isang pahayag, sinabi ni Abalos na kanya nang inutusan si BFP Chief Louie Puracan na imbestigahan ang insidente kung saan tatlo ang nasaktan habang walong nakaparang sasakyan naman ang nawasak sa pagbagsak ng mga poste.
Kasabay nito, inatasan din ni Abalos ang BFP na tumulong sa clearing operation at makipag-ugnayan sa mga Manila Electric Company (Meralco).
Nanawagan rin ang Kalihim sa lahat ng local government units (LGUs) na inspeksyunin ang mga poste ng kuryente, mga construction sites, billboards, at iba pang kahalintulad na instalasyon na maaaring bumagsak, matumba o mawasak bunsod ng masamang panahon.
Ayon kay Abalos, maglalabas rin ang DILG ng isang memorandum circular hinggil sa isyu upang masiguro ang pagtalima ng mga utility companies kabilang ang Meraco, mga telecom companies at iba pang nagtatayo ng poste para sa negosyo.
Umaasa rin ang DILG chief na agad na kikilos ang mga lokal na pamahalaan sa kanyang panawagan.
Samantala, tiniyak naman ng Meralco na nakapaglagay na sila ng anim na bagong poste sa nasabing lugar.
Matatandaang nasa tatlong katao ang nasugatan nang bumagsak ang mga poste ng kuryente sa may Plaza Lorenzo Ruiz, malapit sa Binondo Church.