PANALO sa unang yugto ng negosasyon ang mga operator at drayber ng mga pampasaherong jeep matapos palawigin ng Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) ang prangkisa ng mga traditional jeeps hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.
Una nang nagbanta ang Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela, Pasang Masda at Piston ng isang linggong tigil pasada mula Marso 6 hanggang 12, bilang pagtutol sa PUV Modernization Plan ng Department of Transportation.
Sa kabila ng extension sa bisa ng prangkisa ng mga traditional jeeps, walang anumang pahiwatig ang mga transport groups ng pagbawi sa ikinasang tigil-pasada.
Ayon sa LTFRB, hangad nilang bigyan pa ng pagkakataon ang mga driver at operator na sumali o bumuo ng kooperatiba o korporasyon para sa modernization program ng pamahalaan.
Sa Senado, isinumite sa plenaryo ang Senate Resolution 507na humihikayat sa pamahalaan na tugunan muna ang mga dulog ng mga operator at tsuper ng mga sasakyang higit na kilala bilang ‘hari ng kalsada.’
Partikular na tinukoy ni Sen. Grace Poe ang kawalan ng kakayahan ng mga operator na maglabas ng P2 milyon para kumuha ng modern jeeps na ibinibida ng Department of Transportation (DOTR).
Pebrero 20 nang ilabas ng LTFRB ang Memorandum Circular 2023-013 na nagbibigay na lang hanggang Hunyo 30 sa mga operator at tsuper na sumapi sa kooperatiba o bumuo ng korporasyon bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Babala ng LTFRB, kanselado ang ‘certificate of public convenience’ sa mga hindi tatalima.
“I think that it is crucial that we hear this as soon as possible. Hopefully we can come up with a resolution so that the strike will not push through by Monday next week. It’s a national concern because we would like to abort the nationwide strike. June 30 is not a reasonable deadline,” ani Poe sa isang pahayag.