Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
DUDA ang isang kongresista mula sa kabisera sa di umano’y binuhos na pondo mula sa budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa “socio-economic programs” sa Metro Manila kasabay ng hamon kay Vice President Sara Duterte na maglabas ng patunay na may tumanggap ng ayuda.
“Bilang Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, nagtataka lang ako kung saan dito sa Metro Manila napunta ang bilyong pondo ng Socioeconomic Programs ng kanyang opisina,” pahayag pa ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano.
Partikular na hanap ni Valeriano na tumatayong chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang talaan ng mga benepisyaryo.
“Nagtataka ako dahil siya naman ay Pangalawang Pangulo ng buong bayan,” dugtong ng mambabatas na tubong Maynila.
Sinilip din ni Valeriano ang nasa P2 bilyong hirit na 2025 budget ng OVP dahil nakapaloob aniya sa hinihinging pondo ang pagbibigay ng tulong sa nasa 977, 615 beneficiaries.
“Nasaan na ang mga ito? Totoo ba ito lahat at verified ba?,” usisa ng kongresista.
Binalikan din ni Valeriano ang ulat ng OVP kaugnay ng 793 strategic partnerships.
“Nasaan ang listahan ng strategic partnerships at mga strategic partnership agreements? At kapag walang totoong listahan ng beneficiaries at dokumento ng strategic partnership, hindi malayong maghinala ang taumbayan na nawala ang pondo ng bayan, para siguro sa darating na panahon,” bulalas pa ng mambabatas.
Hindi rin aniya angkop para sa isang mataas na opisyal ng bansa ang pagmamatigas ng bise-presidente na ipaliwanag ang mga programa ng kanyang tanggapan at maging ang pagsagot sa katangunan ng ilang kongresista sa nakaraang pagdinig ng House Committee on Appropriations.
“Nais ko lang ipaalala sa mga botante sa Maynila at sa buong bansa, hindi nararapat sa atin, lalo na’t siya’y nag-aambisyon na maging Pangulo, ang ayaw magsabi kung saan ginastos ang pondo ng bayan,” aniya pa.
“Hindi pera ng Pangalawang Pangulo ang Office of the Vice President budget para sa 2022, 2023, 2024, at 2025. Pondo ng bayan iyan. Kaya nga mayroong budget hearings ay para malaman ng ‘madlang pipol’ kung paano ginagastos ng mga opisina ng gobyerno ang pondo ng bayan na ipinagkatiwala sa kanila,” giit ni Valeriano.
“Maling akala ni Vice President na siya ay hindi maaaring salungatin ng kahit sino… Maling akala ni VP Sara na may kapangyarihan siyang utusan ang Committee on Appropriations na palitan ang Presiding Officer nito… Maling akala rin ni VP Sara na wala tayong karapatan magtanong ng anumang bagay tungkol sa budget ng kanyang opisina.”
