KILALA na ng Department of Transportation (DOTr) ang taxi driver sa viral video na nanghihingi ng bayad sa Taiwanese na P10,000 kada isang pasahero para sa maikling biyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na bukod sa driver ay kilala na rin ang taxi operator.
Tinanggalan na rin ng pagkakataon ang operator sa transport services sa airport.
Pinaghahanap na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) ang taxi driver.
Gayunman, naniniwala si Bautista na nasa probinsiya na ang taxi driver matapos mag-viral ang kanyang ginawa.
Sa video ay sinisingil ng driver ang dayuhan ng P10,000 kada isa at inilock pa ang pinto hanggat hindi sila nagbabayad.
Naniniwala si Bautista na mahuhuli rin ang driver at mananagot sa ginawa.