
HINDI na umabot pang buhay sa pagamutan ang 29-anyos na tricycle driver nang takasan nito ang checkpoint at nakipagbarilan pa sa humabol na mga pulis sa Quezon City, nitong Huwebes ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) La Loma Police Station (PS 1) chief, P/Lt. Col. Romil Avenido, ang napatay na suspek na si Christian Acebes, 29, at residente ng Brgy. 550, Sampaloc, Manila.
Sa report, bandang alas-12:30 ng madaling araw (Hulyo 6), nagsasagawa umano ng checkpoint ang mga operatiba ng PS 1 sa kanto ng Retiro at Cordillera Sts., Brgy. San Pedro, nang paharurot na dumaan ang tricycle na minamaneho ni Acebes.
Dahil dito, tinangka ng mga pulis na pahintuin ang suspek subalit sa halip na tumigil ay mas binilisan pa nito ang pagpapatakbo ng tricyle at nagkaroon ng maikling habulan.
Nagpaputok ng baril si Acebes habang tumatakas dahilan para gumanti ang mga pulis habang hinahabol siya sa kahabaan ng N.S. Amoranto patungong Sto. Domingo, Quezon Ave. sa lungsod.
Pagdating sa Rosarito St., Brgy. 571, Sampaloc, Manila, nakorner ng pulisya si Acebes matapos na masapol ng bala ng baril.
Agad namang isinugod sa Ospital ng Sampaloc sa Maynila ang suspek ngunit idineklara itong dead on arrival ng kanyang attending physician.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang isang caliber .38 na kargado ng limang bala, isang basyo at ang tricycle ng suspek na Motorcycle Kawasaki 175 Barako na may plate number na 4594 SE.
“Ginagampanan ng ating pulisya ang kanilang tungkulin ngunit kailangan din nilang protektahan ang kanilang sarili sa anumang kapahamakan kung kaya naman nananawagan kami sa mga suspek na huwag nang magtangkang lumaban pa upang maiwasan ang ganitong pangyayari,” pahayag ni QCPD chief Brig. Gen. Nicolas Torre III.