
SA kabila ng dikit-dikit na bulilyaso at kasong isinampa sa husgado, tuloy pa rin ang negosyo ng Meralco matapos aprubahan ng senado ang 25-taong panibagong prangkisa ng nasabing kumpanya.
Sa bilang na 18 senador na pabor, walang kahirap-hirap na nakalusot sa hanay ng mga mamababatas mula sa mataas na kapulungan ang pagpapalawig ng prangkisa ng utility distribution firm.
Kapansin-pansin naman na isa lang ang tumutol – si Sen. Risa Hontiveros.
Ayon kay Hontiveros, bigo ang Meralco tupdin ang obligasyong pagsilbihan ang mga konsyumer sa Metro Manila at sa mga karatig probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna, Quezon, Pampanga, Batangas at Rizal.
Ang masaklap aniya, palpak na ang serbisyo, presyong ginto pa ang singil Nng Meralco sa mga power consumers.
“Before even considering a franchise renewal, my view is that Meralco must be made to properly refund its customers for its past over-collections,” wika ng mambabatas na kumakatawan sa minorya sa senado.
Aniya, dapat isaalang-alang ng Kongreso ang pag-amin ng Meralco sa nangyaring over-charging.
Para kay Hontiveros, higit na angkop ibalik muna ng Meralco ang labis na siningil sa mga konsyumer bago pa man gumawa ng hakbang ang senado.
“On the contrary, we need stronger protections and guidelines, set in law, so that consumers will be protected, even when regulatory agencies fail, refuse to, or are unable to act,” paliwanag ng minority senator sa inilahad ng pagtutol sa isinusulong na dagdag 25 taong prangkisa.
“We should not reward Meralco’s misdeeds with a brand new legislative franchise… They should first return the billions they over-collected from the people,” aniya pa. (ESTONG REYES)