NI EDWIN MORENO
MATINDING buhos ng ulan ang nakikitang dahilan sa likod ng pagguho ng isang kongkretong pader na ikinasugat ng isang 32-anyos na babae sa lungsod ng Antipolo sa lalawigan ng Rizal.
Sa ulat ng lokal na pulisya, binabaybay ng kotse ang pabulusok na kalsada sa Sitio Payong na sakop ng Barangay Dalig, nang mangyari ang insidente.
Kwento ng asawa ng hindi pinangalanang biktima, isang malakas kalabog ang dumagundong. Nang lingunin, sumambulat ang pader sa direksyon ng minamenehong sasakyan.
Kasama din ng mag-asawa sa loob ng naturang sasakyan ang isang-taong gulang na anak.
“Bale nung dumagan po sa amin, niyakap po agad ng asawa ko ‘yung anak namin na one year old. ‘Yung asawa ko po tinamaan ‘yung ulo niya, nagkaroon ng head injury, tapos pasa sa kamay po. Clear naman po ‘yung CT scan niya,” ayon sa asawa ng biktima.
Kwento naman ng mga residente sa naturang lugar, hindi halos maaninag ang kalsada dahil sa makapal na hamog nang mangyari ang insidente.
“Malakas sobra yung ulan at ma-fog talaga siya. Nakita ko binabaybay niya ito nang dahan-dahan, nang biglang bumagsak ang pader.”
Sa imbestigasyon, lumalabas na pag-aari ng isang private subdivision developer ang pader na gumuho.
