MATAPOS sumambulat ang balita hinggil sa bentahan sa merkado ng mga laptop na binili gamit ang pondo ng gobyerno, isang resolusyon ang inihain sa Kamara para sa isang imbestigasyon naglalayong tukuyin ang nasa likod ng panibagong bulilyaso.
Sa House Resolution 950 na inihain ng mga militanteng kongresista, hinikayat ng Makabayan bloc ang House Committee on Good Government and Public Accountability na pangunahan ang pagdinig sa anila’y garapalang iregularidad sa Department of Education.
Partikular na tinukoy ng Makabayan bloc ang bentahan ng mga laptop ng binili ng DepEd sa mga surplus shops sa lalawigan ng Rizal at Cebu.
“The profit-making that ensued from laptops purchased through public funds intended to benefit public school teachers adds to the previous controversies that hounded the DepEd’s projects related to the procurement of distance learning devices,” saad sa isang bahagi ng resolusyon.
“It’s important to investigate this because teachers badly need laptops now. They were hoodwinked by the overpriced laptops that were eventually recalled, and now corrupt people from DepEd are profiting from it,” pahayag naman ni partylist Rep. France Castro ng grupong ACT Teachers Partylist.
Buwan ng Pebrero nang inamin ng DepEd na nakarating na sa kanilang kaalaman ang pagbebenta ‘online’ ng mga custom-made laptops na binili ng pamahalaan para sa mga guro ng mga pampublikong paaralan.
Noong nakaraang taon, nirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee na sampahan ng kaso ang DepEd at iba pang opisyal sa gobyerno kaugnay ng maanomalyang pagbili ng mga sinauna at depektibong laptop sa presyong P58,000 kada piraso – malayo sa P17,000 na bentahan sa merkado.
Sa pagtataya ng Senado, tumataginting na P1 bilyon ang kickback ng mga opisyal sa likod ng naturang transaksyon.
Taong 2012 at 2015 nang sumabit rin ang naturang departamento kaugnay ng bilyon-bilyong halaga ng computer na binili ng kagawaran para sa mga pampublikong paaralan.
“We hope that the House investigation on this issue would be expedited and those responsible should be held accountable,” ani Castro.
