Ni TEDDY BRUL
SA kalsada muna planong manikrahan ang nasa 50 pamilya matapos ipag-utos ng husgado ang paggiba sa kanilang tahanan sa Kalye Calamba, Barangay Sto. Domingo sa Quezon City.
Bitbit ang demolition order na mula sa Quezon City Regional Trial Court Branch 101, maagang tinungo ng upahang demolition team ang Barangay Sto. Domingo para isagawa ang pagpapalayas sa mga pamilyang nakatira sa lupang nakapangalan sa isang Dr. Josefina Alora.
Ayon sa mga residente, sinikap nilang pigilan ang pag-abante ng demolition team sa pamamagitan ng barikada. Gayunpaman, nagawa pa rin makapasok ng demolition squad sa kanilang komunidad kasama ang nasa 50 miyembro ng anti-riot squad ng Quezon City Police District (QCPD).
Kwento naman ng mga nakasaksi sa insidente, may ilang residente – kabilang ang ilang kabataan at kababaihan – ang nasaktan bunsod ng tulakan.
Litanya ng mga nawalan ng bahay na masisilungan, hindi isinaalang-alang ng husgado ang Republic Act 7279 na mas kilala sa tawag na Urban Development Housing Act of 1992.
Sa ilalim ng naturang batas, obligadong magbigay ng relokasyon sa mga apektado ng demolisyon – bago pa man ang paggiba sa mga istrukturang nakatayo sa inaangking lupa, kesehodang pag-aari ng gobyerno o ng isang pribadong indibidwal.
Hiling ni Amihan Dipasupil na tumatayong lider ng mga maralitang residente sa Barangay Sto. Domingo, kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, maglaan ng relokasyon para sa mga pamilyang apektado ng demolisyon.
