SA kauna-unahang pagkatapos bumaba sa pwesto, pinatawag ng piskalya si dating Pangulo Rodrigo Duterte para sa kasong grave threat na isinampa ni ACT partylist Rep. France Castro.
Inisyu ni Quezon City Senior Assistant City Prosecutor Ulric Badiola ang subpoena na nag-uutos kay Duterte na humarap sa Office of the City Prosecutor, Justice Cecilia Muñoz Palma Building (Department of Justice), Elliptical Road, Quezon City” sa Disyembre 4 at 11, 2023 ng 2:30 p.m.
Sa atas ni Badiola, pinagsususumite si Duterte ng counter-affidavit bilang tugon sa grave threat na isinampa ni Castro, gayundin ang affidavit ng kanyang testigo at iba pang patunay kontra sa mga paratang.
“No motion to dismiss shall be entertained. Only Counter-affidavit shall be admitted. Otherwise, Respondent/s is/are deemed to have waived the right to present evidence. Furthermore, no postponement shall be granted unless for exceptionally meritorious grounds,” ayon sa subpoena na may petsang Oktubre 27, 2023.
Kabilang rin sa inanyayahan si Castro at mga saksi kaugnay ng alegasyon.
“I am glad that the case is progressing and I hope that former pres. Duterte will face the charges and participate in the preliminary investigation,” sabi ni Castro sa kalatas.
Ang reklamo ay nag-ugat sa umano’y pananakot ni Duterte laban kay Castro sa isang programa sa telebisyon.