TALIWAS sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nakatakdang walisin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nasa 40,000 unit ng mga traditional jeep na pumapasada sa Metro Manila.
Ayon sa LTFRB, hanggang Abril na lang pwede pumasada ang mga traditional jeep upang bigyang-daan ang pagpasok ng mga “modernized jeepney.”
Lubha namang ikinadismaya ng grupong Manibela ang anunsyo ng LTFRB.
Sa pahayag ni Manibela national president Mar Valbuena, salungat sa pangako ng Pangulo ang nakaambang pagwawalis ng LTFRB sa hanay ng mga namamasadang tsuper gamit ang mga traditional jeeps.
“Ang sinabi po ng Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. sa atin na walang phaseout, lahat ng maaayos pa at roadworthy puwede pang tumakbo at hindi po talaga tatanggalin,” dismayadong pahayag ni Valbuena.
“Pero ngayon po, trauma ang nangyayari sa ating mga miyembro dahil ang sinasabi hanggang Marso na lang kayo kung nasa probinsya kayo at kung nasa NCR ka hanggang Abril ka na lamang.”