Ni LILY REYES
INARESTO ng mga operatiba ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang Chinese national bunsod ng pag-iimbak ng mga high-caliber na baril sa loob ng inuupahang bahay sa Barangay Bambang sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ni NCRPO Chief Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang 24-anyops na suspek sa pangalang Haiqiang Su na dinakip sa bisa ng search warrant na inilabas ni Judge Bernard Pineda Bernal ng Taguig Regional Trial Court matapos magpositibo ang timbre kaugnay ng pag-iingat ng mga baril at bala.
Sa kalatas ng NCRPO, narekober ang mga high-caliber firearms kabilang ang isang cal. 5.56 rifle, mga bala, mga pistola, granada at gun accessories.
Kumpiskado rin ang isang McLaren GTR sports car, mga electric vehicles, mga ID at watawat ng bansang China.
Sa pagsisiyasat, lumalabas na pawang walang dokumento ang mga nasamsam na armas at sasakyan mula sa inarestong Chinese national.
“Nakakuha tayo ng luxury cars, meron ‘yung electric car at mayroon ‘yung Mc Lauren it is worth about P15-30 million. So napakamahal saan sila kukuha ng ganon, we are questioning these, dahil walang document silang naipakita. So we will be coordinating with the Bureau of Customs and to concerned agency,” ani Nartatez.
Inabutan din sa naturang operasyon ang dalawang iba pang Chinese nationals na kasalukuyang bineberipika sa Bureau of Immigration.
Sa kaugnay na balita, timbog din ang isang Zhuang Guangdong matapos magtangkang suhulan ng P3 milyon ang mga operatiba ng NCRPO.
