
PUMALO na sa 250 kaso ng dengue ang naitala ng lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Negros Occidental sa loob lang ng 18 araw, ayon sa datos ng Provincial Health Office (PHO)..
Sa kalatas ng pamahalaang panlalawigan, dalawa ang kumpirmadong namatay bunsod ng nasabing karamdaman.
Ayon kay Provincial Health Officer Girlie Pinongan, mas mataas ang bilang ng mga pasyenteng nagpositibo sa dengue mula Enero 1 hanggang 18 ngayong taon, kumpara sa naitalang 63 kaso ng dengue sa parehong panahon ng nakalipas na taon.
Sa nasabing bilang, pinakamarami ang kumpirmadong kaso ng dengue sa hanay ng mga indibidwal na edad 11 hanggang 20-anyos.
Nasa 6,799 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng dengue sa Negros Occidental noong 2024.
Panawagan ni Dr. Pinongan sa mga residente sa naturang lalawigan, maging mapanuri sa mga sintomas ng dengue, kasabay ng hirit na agad na magpakonsulta sakaling makaranas ng mga senyales tulad ng lagnat, pamamantal, pagsusuka at iba pa.
Malaking bentahe rin aniya kontra sa dengue at iba pang karamdaman ang pagpapanatili ng kalinisan sa pamayanan.