NASABAT ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mahigit limang kilong ketamine (hallucinogenic drugs) na tinangkang ipuslit sa Port of Clark sa Pampanga noong Miyerkules ng umaga.
Sa ulat ng ahensya, bandang alas 11:12 ng umaga nitong Miyerkules naharang sa interdiction operation ng mga operatiba ng PDEA Clark International Airport Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, Bureau of Customs (BOC) Port of Clark, NBI Pampanga District Office, PNP Aviation Security Unit 3, at Mabalacat Police Station ang kontrbandong nagmula pa sa bansang Belgium.
Ang nasabing mga droga ay itinago sa loob ng anim na rolyo ng data cable.
Ayon sa PDEA, nasabat ang droga matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa paparating na droga sa Port of Clark sa lalawigan ng Pampanga.
Pasok ang ketamine sa kategorya ng “dangerous hallucinogenic drug.”
Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang responsable sa likod ng bigong drug smuggling. (LILY REYES)
