MONTALBAN, Rizal — Hindi magawang ilarawan ng pamilya ng pinaslang na dating reporter ang ngitngit sa lokal na pulisya matapos mabigong iprisinta sa piskalya ang cellphone na nagsilbing saksi sa karumal-dumal na krimen.
Kwento ng mga kaanak ni former Manila Bulletin correspondent Bert Javier hinanap ng piskal mula sa Rizal Provincial Prosecutors Office ang cellphone na ginamit sa pagkuha ng video sa aktwal na pagpatay sa dating peryodista na pinagtataga hanggang sa mamatay sa Sitio Wawa, Barangay San Rafael noong ika 23 ng Hulyo ng kasalukuyang taon.
Pag-amin ng mga pulis na may hawak ng kaso, isinauli umano sa asawa ng suspek na si Victor Enavia ang naturang cellphone.
“Pakiramdam namin sinasabotahe ang kaso ni Bert kasi negosyante ang suspek,” pahayag ng kaanak na nakikiusap na itago muna ang pagkakakilanlan sa takot bweltahan ng mga pulis-Montalban.
Panawagan ng mga naulila ni Javier kay Philippine National Police chief Gen. Nicolas Torre, maglunsad ng imbestigasyon ang umano’y kapabayaan ng mga pulis.
Sinikap ng Saksi Pinas kunan ng panig si Montalban police chief Lt. Col. Paul Sabulao ngunit wala umano ang hepe sa kanyang tanggapan. Maging ang pulis na may hawak sa kaso, hindi rin nagpakita sa himpilan. (EDWIN MORENO)
